Homepage/Compilation Of One Shot 2/
PASO
Napatitig si Daniel sa dalawang paso na may lupa na nasa kaniyang harapan. Ibinigay iyon ng kaniyang kinilalang ama. Pamana iyon sa kaniya. Hindi niya tunay na magulang ang kinalakhan niyang ina at ama. Nang makita siya ni Rhona, ang kinilala niyang ina na nag-iisa sa bangketa ay nagpasya itong ampunin niya kahit labag sa loob ni Fernando, ang kinilala niyang ama. Anim na taong gulang siya noong inampon siya at ngayon ay disi-sais na. Katatapos lang niya sa Junior High School. Napalingon siya sa kaniyang likuran ng makarinig siya ng malakas na pagtawa.
"Kawawa naman. Dalawang paso na may lupa ang ipinamana sa kaniya. Sabagay, hindi ka naman tunay na anak kaya bakit ka papamanahan ng lupa?" natatawang sabi ni Marco, ang nag-iisang anak nina Rhona at Fernando. Hindi na lamang siya nagsalita. Bagkus, tumayo siya at pumasok sa loob ng bahay dala-dala ang dalawang paso. Papalabas na si Fernando sa kusina kaya binati niya ito. Seryuso lamang siyang tiningnan nito saka napatingin sa hawak niya.
"Ikaw na ang bahala kung paano ka kikita diyan sa dalawang paso na iyan. Dumiskarte ka para naman may pakinabang ka," wika nito saka lumabas. Hindi maiwasang malungkot ni Daniel sa kung paano siya itrato nito. Ganumpaman ay nagpapasalamat pa rin siya dahil hindi siya nito pinagbubuhatan ng kamay at hindi tumutol na mag-aral siya. Malaking bagay na iyon para sa kaniya na tatanawin niyang utang na loob. Kinaumagahan, tinamnan niya ang dalawang paso ng kalamansi at talong. Iyong mapagbebentahan ay ibibili niya ng apat na paso para pagtamnan ulit ng gulay hanggang sa parami iyon ng parami. Iyon ang diskarteng naisip niya. Agad na nagtungo si Daniel sa bayan para ialok ang talong at kalamansi na natanim niya sa loob lamang ng ilang buwan. Ngunit walang bumili niyon. Pinagtawanan siya ulit ni Marco ng makauwi siya ng bahay.
"Sa tingin mo ba may bibili niyan? Wala! Aanhin naman kasi nila iyan, Daniel. Mag-isip-isip ka nga!" sabi nito at dinuro-duro pa ang kaniyang pisngi. Ngumiti lamang siya bagaman nasasaktan sa pagtrato nito sa kaniya.
"Alam kong may bibili neto. Naniniwala ako," puno ng kompiyansa niyang sabi. Napailing-iling na natawa na lamang ito sa kaniya na para bang nasisiraan siya ng bait.
Muli, nagtungo si Daniel sa bayan at inalok iyon sa mga dumadaan sa harapan niya. Ngunit nilalampasan lamang siya ng mga ito. Ngunit hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Alam niyang may bibili at bibili niyon.
Sa kabilang banda, pinagmamasdan ni Donya Pacita ang kaniyang halamang gulay na nalalanta na. May tanim siyang kalamansi at talong ngunit hindi iyon namumunga dahil hindi magaling mag-alaga ang mga taong inatasan niya. Marami siyang sinusuplayan ng talong at kalamansi sa karatig-bayan at sa iba pang lugar. Huminga siya ng malalim. Kailangan niya ng taong mapagkakatiwalaan at dedekado sa ginagawa. Bumalik siya sa kaniyang mansiyon, naligo at nagbihis. Bibili siya ng mga kailangan sa bahay dahil naubusan na siya ng stock.
"Minda ikaw muna ang bahala rito. Pupunta lang ako sa bayan," utos niya sa kaniyan kasambahay.
"Sige po, Donya Pacita!" masiglang sabi nito.
Nang makarating siya sa bayan gamit ang kaniyang kotse, naagaw ang atensiyon niya sa binatilyo na nakaupo sa may gilid ng kalsada at inaalok ang dalawang paso na natatamnan ng kalamansi at talong. Parang may kung anong humaplos sa puso ng matanda ng makita ang ngiti ng bintailyo kahit na nilalampasan lamang ito ng mga tao. Lumabas siya ng kotse at lumapit siya rito.
"Iho, mgkano iyan?" tanong niya. Napatingin sa kaniya ang binatilyo saka binigyan siya ng masuyong ngiti sa mga labi.
"Tig 200 po lola. Namumunga na po ang talong at kalamansi. Puwede niyo rin itanim sa gilid ng inyong bahay. Bilhin niyo na lola para makauwi na po ako," magiliw na sabi nito.
"Ang galing mo naman magtanim kahi sa paso mo lang itinanim ay namunga ito. Paano mo iyon nagawa?" hindi-makapaniwalang tanong ni
Donya Pacita habang nakatingin sa dalawang paso.
"Ganoon po talaga kapag ang ginagawa ninyo ay mula sa puso magiging maganda po ang kalalabasan. Noong itinatanim ko po ito ay iniisip ko na sana ito ang mag-ahon sa 'min sa hirap. Iyon lang po ang pananaw ko. Kapag po binili ninyo ito. Bibili po ako ng apat na paso at tatamnan ulit ng gulay saka ibebenta po hanggang sa rumami po ito," punong-puno ng pag-asa na sabi ng binatilyo. Umupo si Donya Pacita sa tabi nito.
"Bakit mo ito ginagawa?" kuryos niyang tanong. Lumungkot ang mga mata nito.
"Dahil gusto ko pong makatulong sa kinilala kong magulang. Dahil ampon lamang ako at hindi po proud si tatay sa 'kin. Gusto ko po maging proud siya sa 'kin kaya ginagawa ko po ito. Gusto kong patunayan na kaya kong palaguin ang dalawang paso na may lupa na ipinamana niya sa 'kin at gusto ko maramdaman ang pag-aaruga ng isang ama," sabi nito na hindi naiwasang mapaluha. Naantig naman ang puso ng donya. Kinuha niya sa pitaka ang isang libong piso saka iniabot iyon sa binatilyo.
"Ayan, kunin mo. Gamitin mo para magkaroon ka pa ng halaman na ibebenta at ako ang bibili," nakangiti niyang sabi. Umiling ang binatilyo.
"Naku, lola ang laki naman po nito. Hindi ko po matatanggap ang isang libo. Baka isipin pa ni tatay na ninakaw ko ang pera," sabi nito saka ibinalik ang isang libo sa kaniya. Hindi maiwasang humanga ni Donya Pacita sa binata dahil sa ipinakita nitong magandang asal. Iilan na lang ang kagaya nito. Hanggang sa naisip niya na kailangan pala niya ng katuwang sa pagtatanim.
"Kung ayaw mong tanggapin, doon ka muna sa mansiyon tumira at bibigyan kita ng trabaho para sa ganoon pinaghihirapan mo ang perang nakukuha mo. Mabibigyan mo pa ng pera ang iyong magulang." Nanlaki ang mga mata ni Daniel sa tinuran niya. Kaagad itong sumang-ayon. Maganda ang alok sa kaniya ng donya at hindi na niya iyon palalampasin pa. Ibinilin ng donya na magkita sila bukas sa mismong puwesto nila ngayon. Ipagpaalam muna daw niya sa kaniyang magulang ang desisyon niya. Pagkauwi ni Daniel ay agad niyang ibinalita kina Fernando at Rhona at kay Marco ang nangyari sa kaniya ng araw na iyon. Ang swerteng natanggap niya.
"Sige, pumapayag kami basta lagi kang magpapadala. Kung kinakailangan na ipadala mo lahat ng sahod mo ay gawin mo para naman mabayaran mo ang mga naging gastos namin sa iyo," sabi ni Fernando.
"Fernando, huwag ka namang magsalita ng ganiyan kay Daniel," saad ni Rhona.
"Totoo naman. Alam mo naman na mahirap na ang buhay nagdala ka pa rito ng palamunin!" matigas nitong sabi.
"Sige po ibibigay ko po lahat ng sahod ko 'tay. Gagawin ko po ito hindi bilang kabayaran sa mga nagawa ninyo sa 'kin kundi bilang responsibilidad dahil pinalaki ninyo ako at pinag-aral. Utang ko po sa inyo lahat dahil kung wala po kayo baka palaboy-laboy lang ako sa kalsada," madamdamin niyang sabi. Hindi nito pinansin ang sinabi niya kundi itinuon na lamang ang atensiyon sa pagkain. Nasaktan siya pero pinilit niyang magpakatatag. Hinawakan ng kaniyang ina ang kaniyang kamay na nasa ilalim ng mesa at humihingi ng paumanhin sa mga nasabi ng kaniyang ama sa pamamagitan ng mga mata.
Namangha si Daniel ng makarating siya sa mansiyon ni Donya Pacita. Hindi niya akalain na sobrang yaman pala nito. Agad silang nagpunta sa bukirin sa likod lamang ng mansiyon at itinuro sa kaniya ng donya ang mga gagawin katuwang ang iba pang trabahador na mapagkakatiwalaan. Nang araw ding iyon ay nagsimula na sila. Sabi ni Daniel, mahalaga ang bawat araw at oras. Mas lalo itong hinangaan ng donya. Lumipas ang ilang buwan ay nakapag-ani ng masagana si Donya Pacita. Labis ang galak na nararamdaman nito.
"Ang dami nating benta ngayon!" bulalas niya.
"Dahil po iyan kay Daniel, ma'am. Magaling pong magturo at mag-alaga ng halaman," sabi ni Raul na isa sa mga kasama ng binatilyo. Natawa na lamang si Daniel.
"Hindi dahil sa 'kin kaya maraming bunga ang mga halaman. Syempre dahil sa 'tin kaya maganda ang kita. Nagtulungan tayo at walang reklamong nangyari. Kaya ang achivement na ito ay para sa 'ting lahat lalo kay Donya Pacita dahil napakabait niya sa 'tin. Ganoon talaga di ba? Kapag mabuti sa iyo ang isang tao dapat suklian mo rin ng kabutihan," turan ni Danie na may matamis na ngiti sa mga labi.
"Salamat, Daniel. Napakabuti mong bata. Nagpapasalamat ako dahil ibinigay ka sa 'kin ng Diyos para maging katuwang ko sa negosyo," madamdamin na sabi ng donya
"Dahil mabuting tao rin po kayo. Lahat ng mabuting bagay ng ginagawa natin ay mas doble pang mabuting bagay ang kapalit niyon," makahulugang sabi ni Daniel. Pagkatapos maiabot ni Donya Pacita ang sahod ni Daniel ay nagpaalam na ito na uuwi muna para ibigay ang sahod at bisitahin ang kaniyang pamilya. Nang mga sandaling iyon ay may plinaplano na ang donya. Gusto niyang mabago ang buhay ni Daniel. Gusto niyang makita ng pamilya nito na swerte ang binata sa kanila at hind ito pabigat lamang. Kaagad niyang tinawagan ang kaniyang abogado.
"Donya Pacita. May kailangan po ba kayo?" tanong ng kaniyang personal attorney.
"Come here to my house. We need to talk. Gusto kong ipasa sa isang napakabuting tao ang lahat ng aking kayamanan."
Pagdating ni Daniel sa kanila ay agad siyang sinalubong ng kaniyang ina at tinanong kung kamusta siya.
"Ayos naman po, nay. May sahod na po ako!" may pananabik na sabi niya.
"Nasaan ang sahod mo?" tanong ni Carlos na kalalabas lang mula sa silid nito. Hapon kasi iyon at kagagaling nito sa pagtulog. Kinuha niya sa kaniyang shoulder bag ang sobre kung saan naroon ang pera saka iniabot iyon sa ama.
"Iyan po ang sahod ko. Masarap po palang magtrabaho kapag iniisip na para ito sa pamilya mo. Para po sa inyo dahil goal ko po talaga na makatulong at masuklian lahat ng nagawa ninyo sa 'kin," may bahid ng ngiti na sabi niya. Binilang ni Carlos ang lilibuhin na nasa sobre. Kumunot ang noo nito ng mapagtanto na sampong libo lamang ito.
"Ito lang ang sahod mo sa ilang buwan na pananatili mo doon? Ang liit naman nito!" bulyaw nito.
"Iyong iba po kasi ay sa expenses po sa pagkain at iba pa," sagot ni Daniel.
"Wala akong pakielam! Kailangan mas malaki pa rito ang sahurin mo!" sigaw nito. Tumango-tango siya.
"Opo. Mas lalo ko pa pong pagbubutihin ang pagtratrabaho itay. Starting salary lang po iyan," sambit niya na hindi maiwasang malungkot dahil hindi na-appreciate ni Fernando ang perang pinaghirapan niya. Sasagot na sana si Carlos ng may lalaking tumatakbo palapit sa kanila.
"Tiyo Fernando. Si Marco po nasa prisinto at nakakulong dahil nagnakaw po siya ng pera sa bahay ni Ma'am Cory kagabi," pagbabalita nito habang hinihingal. Napaawang ang labi ng matandang lalaki dahil sa balitang iyon. Hindi makapaniwala na nagawa iyon ng kaniyang anak. Nanghihinang napaupo si Rhona kanilang upuang kahoy.
"Ano ba itong nangyayari?" naiiyak na sabi ng matandang babae. Walang nagawa si Daniel kundi ang yakapin ang ina na hindi na iba ang turing sa kaniya.
"Huwag po kayong malungkot inay. Gagawan ko po ng paraan para makalabas si Kuya," pangako niya. Nang mga sandaling iyon ay may naisip siya. Nahihiya man pero kailangan niyang gawin.
"Nakulong ang iyong kapatid dahil nagnakaw siya?" tanong ni Donya Pacita. Tumango siya.
"Opo at kailangan ko po ng halaga na pampyensa sa kaniya. Wala na po kasi akong pagpipilian kundi humingi ng tulong sa inyo. Huwag po kayo mag-aalala, pagbubutihin ko po ang aking trabaho para mabayaran ko po," puno ng sinseridad na sabi ni Daniel. Pinagsalikop ng matanda ang mga kamay sa mesa.
"Bakit napakabuti mo pa rin sa kanila kahit na hindi maayos ang pagtrato sa 'yo?" tanong ng donya. Pinakatitigan niya ito.
"Dahil pamilya ko po sila at hindi ko po sila puwedeng pabayaan. Hindi po dahilan na hind po maayos ang trato sa 'kin para hindi ko po sila tulungan. Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay. At saka pinakain ako at ibinigay ang mga pangangailangan ko kaya walang dahilan para magtanim ako ng sama ng loob sa kanila," napangiti ang donya sa tinuran ng binatilyo. Naglabas ito ng tseke at tinanong kung magkano ang kailangan saka ibinigay ang tseke sa kaniya. Tinanggap naman iyon ni Daniel na sobrang saya ang nararamdaman. May tumulong luha sa mga mata niya dahil sa labis na tuwa.
"Maraming-maraming salamat po! Tatanawin ko po itong malaking utang na loob. Sana po ay marami pa ang maging kagaya ninyo na handang tumulong sa mga mahihirap na kagaya ko. Salamat sa Diyos kasi ipinakilala ka po niya sa 'kin." madamdamin niyang pahayag saka umalis na ng opisina ng matanda para maihabol ang pampyensa ng kapatid.
Nang makauwi si Daniel, agad niyang sinabi na may pampyensa na sila kay Marco. Labis ang tuwa ni Fernando sa ginawa niya. Niyakap siya nito at umiyak sa kaniyang balikat.
"Patawarin mo ako, anak sa mga nagawa at masasakit na salitang nasabi ko sa iyo. Hindi ako naging mabuting ama sa iyo. Hindi ko akalain na ikaw ang aming kayamanan. Kung hindi dahil sa 'yo hindi natin mailalabas ang kapatid mo. Maraming-maraming salamat dahil lumaki kang mabait at mapagpapakumbaba sa kabila ng lahat ng nagawa ko sa iyo," madamdamin na pahayag nito. Nang kumalas ito sa pagkakayakap sa kaniya, pinakatitigan niya ang kinagisnang ama.
"Ayos lang po iyon. Lahat naman po tayo ay nagkakamali. Wala pong perpekto. Ang mahalaga po doon ay nagsisi tayo sa mga pagkakamaling nagawa natin at handa tayong magbago. Mahal na mahal ko po kayo 'tay at inay. Kung hindi po dahil sa inyo baka kung saan-saan na ako napadpad kaya tatanawin ko pong malaking utang na loob ang pagpapalaki niyo sa 'kin," wika ni Daniel. Muli siyang niyakap nito hanggang sa nagpasya na silang magtungo sa prisinto kung saan nakakulong si Marco. Labis din ang pasasalamat ng binata kay Daniel. Umiiyak itong humingi ng tawad sa nagsilbing kapatid niya dahil sa kabaitan nito. Nang sandaling iyon ay masaya na siya dahil naging maayos na ang lahat at trinato na siya na hindi iba ng mga ito.
Nang bumalik si Daniel sa mansiyon ay agad niyang hinanap ang donya. Ngunit naagpuan niya ito sa silid na may mga dextrose sa kamay. Umupo siya sa tabi nito. Naaawa siya sa kalagayan ng donya. Dahan-dahan na iminulat ni Donya Pacita ang mga mata at nasilayan siya.
"Bakit hindi niyo po sinabi sa 'kin na may sakit po kayo para sana nadalaw ko po kayo?" malungkot na sabi niya habang umaagos ang luha sa pisngi. Hinawakan ng donya ang kaniyang pisngi.
"Hindi na ako magtatagal, iho. May sakit ako sa puso. Ang tanging maiiwan ko lang sa 'yo ay ang aking mansiyon at mga ari-arian. Deserve mo magkaroon ng magandang buhay dahil napakabuti mong tao. Hindi ka nagtatanim ng sama ng loob sa kapwa mo at iyon ang hinangaan ko sa iyo," Nanlaki ang mga mata ni Daniel sa sinabi ng matanda.
"Po?! Sa 'kin niyo po ipapamana ang iyong mga ari-arian? Hindi ko po ata iyon matatanggap lalo at hindi niyo po ako kaano-ano. Hindi ko po iyon deserve dahil hindi ko po iyon pinaghirapan," sabi niya habang umiling-iling pa.
"Alam mo ba na iyang ugali mong mapagpakumbaba ang nagustuhan ko kaya ako nagdesisyon na sa 'yo ibigay lahat ng ari-arian ko? Dahil alam ko na mapupunta ito sa tamang tao at hindi lulustayin sa masamang paraan ang pera. Alam mo ba na ang taong nagpapakababa ay itinataas? Iyon ang nangyari sa buhay mo. Pinagtagpo tayo ng Diyos dahil kailangan mo ako at kailangan kita. Lagi kang maging mabuting tao, Daniel. Ipagpatuloy mo ang aking nasimulan," iyon na ang huling salita lumabas sa bibig ng matanda hanggang sa tuluyan na itong pumikit. Umiiyak na niyakap niya ang matanda na itinuring niya ng lola.
Nang mailibing si Donya Pacita ay kinausap si Daniel ng abogado nito ukol sa mga ari-arian na ipinamana ng matanda sa kaniya. Sobrang tuwa rin ang naramdaman ng kaniyang magulang at kapatid ng tumira na sila sa mansiyon. Magkakatulong nilang pinamahalaan ang ekta-ektaryang lupain ng donya. Sino ba ang mag-aakala ng dahil lang sa paso na may lupa na ipinamana kay Daniel ay iyon pala ang magbibigay sa kanila ng magandang buhay. Dahil kung hindi dahil doon ay hindi niya makikilala si Donya Pacita. Ganoon pala magbigay ng kapalaran ang Diyos. Gagamit siya ng kasangkapan para maibigay sa 'yo ang mga minimithi mo sa hindi mo inaaasahan na pagkakataon.Download Novelah App
You can read more chapters. You'll find other great stories on Novelah.
Book Comment (267)
Share
Related Chapters
Latest Chapters
wow
13d
0thank u
27/09
0nice
24/07
0View All