TEACHER

Laki sa hirap si Lira, dalawa silang magkakapatid. Ang kaniyang amang si Mang Jose ay isang magsasaka lamang, nakiki-arawan at kung minsan ay umeextra sa mga construction site. Madalas, pritong tuyo, pritong itlog, at pritong talong ang ulam nila. Maswerte na lang sila kapag nakapag-ulam sila ng karne. Matalinong bata si Lira. Second honor siya noong elementarya. At pagsapit ng high school ay mas ginalingan pa niya ang pag-aaral. Pangarap niyang maging guro. Gusto niyang turuan ang mga bata at syempre makatulong sa kaniyang magulang. Higit sa lahat, maiahon niya sa kahirapan ang kaniyang pamilya. Nang minsang nakihingi siya ng tanim na talong sa isang kapitbahay, hindi niya maiwasang masaktan sa sinabi ng ilang kapitbahay nila na nakaka-angat sa buhay.
"Naku kung puro talong na lang ang uulamin mo. Walang magiging laman ang utak mo sa pag-aaral," tatawa-tawa nilang sabi. Bagaman nasaktan ay hindi na lang niya binigyan ng pansin ang mga sinabi nila. Pumasok siya sa loob ng bahay at ibinigay sa kaniyang ina ang talong na lulutuin. Nangako si Lira sa sarili na pagbubutihin niyang lalo ang pag-aaral para may mapatunayan siya sa sarili. Gusto niyang patunayan sa mga ito na kaya niyang maiahon sa hirap ang kaniyang magulang kahit mahirap lamang sila. Laging nangunguna sa klase ang kaniyang pinsan sa mother side na si Jane. Ganunpaman, masaya siya para sa pinsan. Ang kaniyang kapatid na si Paul ay nagsisikap rin na mag-aral para magkaroon ng magandang kinabukasan at makatulong sa magulang. At sa pagtatapos ni Lira ng high school ay muli naging Salutatorian siya at ang kaniyang pinsan na si Jane ang Valedictorian. Masaya si Lira dahil nagtapos siyang may karangalan. Balak ni Lira na mag-aral ng Bachelor of Elementary Education sa isang sikat na unibersidad sa kanilang lungsod kaya naman kinausap niya ang kaniyang ama.
"Tay gusto ko pong mag-aral ng BSED sa unibersidad sa lungsod. Matutulungan niyo po ba ako?" tanong niya. Umiling ang kaniyang ama.
"Dito ka na lang sa bayan mag-aral, anak. Hindi kita kayang pag-aralin doon. Alam mo naman na mahirap lamang tayo at maiit lamang ang kita ko sa construction site at sa arawan sa bukid," sagot ng kaniyang ama. Pangarap ni Lira na makapag-aral sa unibersidad na iyon.
"Tay, magta-take po ako ng exam at kapag nakapasa po ako doon ay scholar po ako. Sige na 'tay. Gawin niyo po ang lahat ng makakaya ninyo na pag-aralin ako at pinapangako ko na mag-aaral akong mabuti para maitaguyod ko ang pag-aaral ko at makapgtapos ng pag-aaral. Gusto ko po kayong mabigyan ng magandang buhay at para hindi na rin kayo magtrabaho," puno ng determinasyon na sabi ni Lira. Nakita ni Mang Jose ang determinasyon niya para matupad ang kaniyang pangarap. Tumango ito bilang pagsang-aayon. Lubos naman ang tuwa ni Lira dahil napapayag niya ang kaniyang ama na papag-aralin siya sa unibersidad.
Dumating ang araw na magta-take na ng exam si Lira kya naman nagtungo na siya sa unibersidad kasama ang pinsan na si Jane. Pagkatapos ng exam at malaman ang mga nakapasa, ganoon na lamang ang tuwa ni Lira na isa siya sa mga nakapasa. Nalungkot din siya dahil hindi nakapasa si Jane sa exam. Ganunpaman, masaya ito para sa kaniya. Ngunit kita niya ang pagkadismaya nito. Sino ba naman ang hindi. Ang isang Valedictorian ay hindi nakapasa sa exam? Sobrang tuwa din ang naramdaman ng kaniyang ama ng ibalita niya na nakapasa siya.
"Magsusumikap ako anak para sa pag-aaral mo. Gawin mo ang lahat para makapagtapos ka," nakangiting sabi ni Mang Jose. Niyakap ito ni Lira at nagpasalamat. Sumapit ang araw ng pasukan. Excited si Lira na pumasok sa unibersidad. Nag-co-commute siya papunta at pauwi. Nanghihinayang din kasi siya sa pang-boarding kaya nagtiyaga siyang mag-commute. Samantala, si Mang Jose naman ay nagpursige sa pagtratrabaho. Lahat ng gawaing bukid ay pinasukan niya may pang-gastos lang si Lira. Maging sa mga nangangailangan ng construction ay pinasukan. Halos kumuba na ang kaniyang likod sa pagtratrabaho pero ininda niya iyon dahil may pangarap siya para sa anak. Ginawa niya ang lahat ng iyon dahil alam niya na darating ang panahon na kapag nakapagtapos na si Lira ay hindi na niya gagawin ang mga iyon. Alam niyang tutulungan siya ng anak at hindi ito magtatalo-sira sa pangakong binitawan sa kaniya.
Isang araw, walang pambaon si Lira dahil kinapos sila ng budget. Pambayad sa bills at sa mga gastusin sa bahay.
"Pasensiya ka na anak, walang-wala si tatay ngayon pero hayahan mo bibili ako sa bayan ng ulam mo," sabi ng kaniyang ama. Umiling siya.
"Huwag na po itay. Okay na po sa 'kin ang itlog at talong na ulam para sa pananghalian," nakangiti niyang sabi. Lumungkot ang mga mata ni Mang Jose.
"Anak, hindi naman puwede iyon. Baka tuksuin ka ng mga kaklase mo o tawanan ka dahil sa ulam mo. Ayaw kong mangyari iyon, anak,"
"Tay hindi po ako nag-aral para magpakitang-gilas sa mga kaklase o kaya para ipakita na masasarap ang ulam na binabaon ko. Nag-aral po ako para sa sarili ko at para sa inyo. Hindi ko kailangan ang sasabihin ng ibang tao. Ang mahalaga, may pagkain ako na pupuno sa aking tiyan. Huwag niyo na ako alalahanin kaya ko 'to," madamdamin na pahayag ni Lira. Ngumiti si Mang Jose. Sobrang proud siya sa kaniyang anak. Mananampalataya rin kasi ang pamilya nina Mang Jose. Kahit mahirap ang buhay ay hindi sila nakakalimot sa Diyos. Iyon ang sandata nila para maging matatag sa araw-araw na hamon ng buhay at mga pagsubok na kanilang pinagdadaanan. Hindi naging madali ang pag-aaral ni Lira. Talagang pinagtuunan niya ng pansin ang pag-aaral at hindi tumaggap ng manliligaw. Kumbaga, nagsunog siya ng kilay. Dumating ang araw na magtatapos na si Lira at ganoon na lamang ang sayang naramdaman niya na magtatapos siya bilang Cum Laude! Labis ang pagtataka ng kaniyang mga kapitbahay dahil sa narating niya. Hindi inaakala na mapagtatapos si Lira ng isang kurso sa isang unibersidad pa. Cum Laude pa! Higit sa lahat na naging proud sa kaniya ay ang kaniyang magulang na nagsumikap para mapag-aral siya. Pagka-graduate ni Lira, nag-take siya ng board exam. Naging handa si Lira, nag-review siya dahil ayaw niyang bumagsak. Matapos makapag-exam at nalaman ang resulta ng exam. Isa sa mga nakapasa si Lira. Labis ang tuwang nararamdaman ni Lira ng mga sandaling iyon dahil sa wakas makakapag-trabaho na siya. Una ay sa isang pribadong paaralan siya nagturo at kalaunan ay sa isang pampublikong paaralan. Ngunit, nadestino siya sa lungsod na malapit sa kampo ng mga sundalo. Nagtiis si Lira para sa kaniyang pamilya kahit malayo siya sa mga ito. Hindi niya akalain na doon niya makikita at makikilala ang lalaki na makakasama niya sa pagtanda. Nasa church siya ng mga sandaling iyon at palabas na ng makasalubong niya si Dexter, isa sa mga sundalo sa kampo.
"Ay, sorry!" sabi ni Dexter ng magkabanggaan sila.
"Ayos lang," nakangiting sabi ni Lira.
"Ngayon lang kita nakita rito, ah. Bago ka?" tanong nito. Tumango naman si Lira.
"Oo, dito kasi ako nadestino. Isa akong guro," tugon naman niya. Inalok siya ng binata na ihatid na kaniyang tinutuluyan. At iyon na ang simula ng kanilang pagkakaibigan na nauwi sa ligawan. Ilang buwan din nanligaw si Dexter bago ito sinagot ni Lira. Nakita ni Lira na mabuting tao si Dexter at mananampalataya. Kaya noong malipat siya sa paaralan sa kanilang baryo, walang nagawa si Lira kundi ang magpaalam kay Dexter.
"Basta, mag-iingat ka lagi, okay? Hindi naman mawawala ang komunikasyon natin. Hihintayin ko ang panahon na makakasama na kita ng matagal," sabi ni Lira. Madedestino rin kasi sa malayong lugar si Dexter kaya kailangan nilang magtiis para sa kinabukasan ng pamilya nila at ng kinabukasan ng kanilang magiging pamilya. HInawakan ni Dexter ang kamay ni Lira.
"Mag-iingat ka rin. Baka mamaya ipagpalit mo ako sa mas malapit," nakasimangot na sabi nito. Natawa siya ng malakas saka kinurot ang kasintahan.
"Hindi ko gagawin iyon, no? Hindi na ako makakahanap pa ng kagaya mo. Hindi kita ipagpapalit dahil gusto ko ikaw na ang makasama ko sa pagtanda," puno ng sinseridad na sabi ni Lira. Nang makapagpaalam silang dalawa, bumiyahe na siya pabalik sa kanilang baryo. Sinalubong siya ng kaniyang magulang at tinanong kung kamusta siya.
"Ayos naman po, 'tay. May nobyo na po ako, isang sundalo. Mabait, maginoo at mananampalataya po," pagbibigay-alam niya at nagsimula ng magkuwento kung paano sila nagkakilala ni Dexter. MATAMAN LAMANG NA NAKIKINIG ang kaniyang magulang.
"Masaya ako para sa 'yo, anak. Masaya ako dahil nakita at ipinagkaloob na ng Diyos ang mithiin mo sa buhay. Higit sa lahat, nakilala mo na ang lalaking magiging katuwang mo sa buhay. Dahil nga sabi mo na nadestino siya sa malayo, kailangan niyo lang magtiis," madamdamin na pahayag at payo ni Mang Jose. Tumang-tango lamang si Lira. Nagpapasalamat siya dahil hindi tutol ang kaniyang ama kay Dexter. Wala naman itong maipipintas dahil may marangal naman itong trabaho. Nagsimula ng magturo si Lira sa elementarya sa kanilang baryo. Naibibigay na niya ang mga pangangailangan ng kaniyang magulang. Hindi na rin sila kinakapos sa pang-araw-araw na gastusin dahil may trabaho na rin ang kaniyang kaapatid na si Paul. Nagsisikap silang dalawa na maibigay ang mga gastusin ng kanilang pamilya. Pinahinto na rin ni Lira ang kaniyang ama sa pagtratrabaho. Minsan namamasada ito kapag gusto lang mamasada.
"Maraming-maraming salamat anak sa pagtulong mo sa 'min. Ikaw ang kayamanan ko. Kayong dalawa ni Paul. Lahat ng pagsisikap ko na mapag-aral kayo ay nagbunga. Iyon ang labis kong ipinagpapasalamat sa Itaas," naluluhang sabi ni Mang Jose. Ngumiti si Lira.
"Nangako po ako sa inyo na gagawin ko ang lahat para makapagtapos sa pag-aaral at makatulong sa inyo. Ito na po iyon 'tay. Tinutupad ko na ang pangako ko sa inyo. Ako naman ngayon ang magtratrabaho para sa inyo."
"Maraming-maraming salamat, anak," buong-pusong sabi nito. Umiling siya.
"Ako po ang dapat ang magpasalamat dahil nagtiwala kayo sa mga sinabi ko. Hindi ninyo ako pinabayaan kaya ngayon ito na ang bunga ng lahat ng pagpapagal ninyo," naiiyak na sabi ni Lira. Makikita ang saya sa mukha ng bawat isa dahil maalwan na ang kanilang buhay. Tumaas din ang sahod ni Lira bilang isang guro kaya naman nakapag-ipon siya.
Hindi rin naging madali kay Lira ang Long Distance Relationship nila ni Dexter. Minsan nawawalan sila ng time sa isa't-isa pero kahit ganoon pa man ay nanatili silang matatag sa kanilang relasyon. Nag-ipon sila para sa kanilang kasal. Magkaroon ng sariling lupa at bahay para sa kanilang bubuuing pamilya. Lumipas ang ilang taon, nagpasya na sina Dexter at Lira na magpakasal. Simple lamang ang kasal nila. Nagkaroon sila ng isang anak na babae. Lagi pa ring nadedestino sa ibang lugar ang kaniyang mister dahil sa trabaho. Handa niyang tiisin iyon para kinabukasan ng kanilang pamilya. Ang ina ni Lira ang siyang nag-aalaga sa kaniyang anak samantalang siya ay nagtuturo. Hindi siya nagkulang sa pinansiyal lalo at malaki ang kinikita ng kaniyang asawa. Nang masundan na ang kaniyang panganay ay nagpasya na silang bumili ng lupa at magpatayo ng bahay. Maganda at maayos ang bahay. Bungalow pero hindi biro ang halagang ginugol para sa bahay. Naaayon iyon sa uso. Doon na rin tumira ang kaniyang magulang para maging katuwang sa pag-aalaga ng mga bata. Ang mga pagkain na hindi natitikman noon ni Mang Jose, nakakain na niya ngayon. Hind na rin niya kailangan pang magpabilad sa araw para kumita ng pera. Dahil ang tunay niyang kayamanan ay ang kaniyan anak na marunong tumanaw ng utang na loob.
Sa buhay, hindi mo makakamit ang mga pangarap mo kung hindi ka magsisikap. Walang tagumpay na nakukuha sa isang araw lang. Kailangan mo iyong paghirapan para makuha iyon dahil mas doble ang saya kapag narating ang mga iyon dahil sa pagtiyatiyaga at pagpupursige. Hindi lang pangarap ni Lira ang natupad kundi biniyayaan pa siya ng asawang mapagmahal at masipag. Sabi nga, ang isang susi sa pagkakaroon ng magandang buhay ay ang pagrespeto at pagmamahal sa magulang. Kaya habang nabubuhay pa tayo, mahalin at igalang natin ang ating mga magulang dahil hindi habang buhay ay kasama natin sila. Suklian natin ang mga naging paghihirap nila magmula noong bata tayo para maitaguyod lang ating pag-aaral.

Book Comment (267)

  • avatar
    Mirull Efype

    wow

    13d

      0
  • avatar
    FadilaMuhammad

    thank u

    27/09

      0
  • avatar
    Aiz Aiziah Matz Matutina

    nice

    24/07

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters